Tuesday, January 24, 2012

The Survivor

Nung teenager pa lang ako, madalas ko maramdaman na hindi ako naiintindihan ng mga magulang ko, especially ni Mama, since ang father ko ay absentee father kahit na nandiyan lang siya.  Mas madalas, yung feeling na ganito ay nasusundan ng feeling na ikaw ay hinuhusgahan dahil nga hindi ka naiintindihan sa iyong mga ikinikilos.

Kaya sinabi ko sa sarili ko noon, pagdating ko sa ganoong edad o sa adulthood, pilit kong iintindihin yung next generation.  Kung bakit sila ganoon kumilos, kung bakit ganoon ang kanilang mga pananamit, kung bakit nila gusto ang mga gusto nila, at hindi ko sila huhusgahan dahil lamang iba ang kanilang gusto sa gusto ko noong ako ay teenager pa.

Dahil sa aking palagay, ang mga teenagers noong kapanahunan ng magulang ko, at nung kapanahunan ko, at mga teenagers ngayon, ay pare-pareho lang ng pinagdadaanan.  Magkakaiba nga lang ang kanilang mga generations. Masasabi kong taglay ko ang pang-unawa sa mga kabataan ngayon, dahil ang mga nakikilala kong teenagers ay palagay ang loob sa akin, at meron silang feeling of belonging pag kasama nila ako.

Halimbawa ay sa mga pamangkin ko.  Although adult akong tingnan, pag nagkasama kami, ang impression nila sa akin ay isang cool Tito.  They can express themselves when they are with me.

Naiinggit ako minsan sa kanila, kasi naipaparamdam ko sa kanila ngayon yung hindi ko naramdaman noong ako ay bata pa.

Ngayon ko lang naisip, kung mayroong time machine ay pupuntahan ko ang sarili ko noong ako ay teenager pa at kakaibiganin ko siya.  Ipaparamdam ko sa kanya na naiintindihan ko siya.  At hindi ko siya huhusgahan.  At pwede niyang sabihin sa akin lahat ng gusto niyang sabihin.  Ipaaalam ko sa kanya na meron siyang pwedeng sandalan sa oras ng kanyang pangangailangan.  Meron siyang pwedeng kausap sa oras na kailangan niya ng kausap.  Bibigyan ko siya ng sense of belonging.  At tuturuan ko siyang mag-basketball.  At sasabihin ko sa kanya kung ano ang pwedeng kurso para sa kanya.

Pero walang time machine.  Ang teenager na ako ay naging ngayong ako.  Siguro, kung hindi ko pinagdaanan yung mga pinagdaanan ko nung teenager ako ay baka hindi ako kasing understanding sa mga kabataan ngayon.  Mahirap man ang tinahak kong landas noon, masasabi ko na isa akong blessing para sa kasalukuyang generation.  Because I never gave up.  Because I survived.


Epilogue 
(Umeepilog pa)

Di na ako pwedeng bumalik sa nakaraan.  Di ko na pwedeng baguhin ang itinakbo ng buhay ko.  Ang pwede ko na lang gawin ay make peace with my past, and with myself.  Tanggapin kung ano ako ngayon and make the best of it.

Nobody can go back and start a new beginning, 
but anyone can start today and make a new ending.

Monday, January 23, 2012

Fortune Cookies

After work this evening, I dropped by Shopwise Sucat to buy prepaid load for my broadband before going home.  Pagpasok ko ng entrance ng Shopwise, there a was a girl handing out fortune cookies and she gave me one.  Paglabas ko naman, sinadya kong humingi ng isa pa.

I am fascinated by fortune cookies.  Kasi napapanood ko ito sa movies where the characters will break the cookie and read what is written on the strip of paper that is inside the cookie.  E, hindi ko pa naranasan mag-break ng fortune cookie.  And curious ako kung ano ang sinasabi ng kapirasong papel.

So, pagdating ko sa bahay, kahit ihing-ihi na ako eh, binuksan ko kaagad yung balot ng fortune cookies, nginata yung cookies habang binabasa kung ano ang nakasulat doon.  Sa isang side ng papel nakasulat yung fortune, at sa likod naman nito ay may naka-print na 6 numbers.  Ano'ng gagawin ko sa numbers?  Itataya ko ba sa lotto?

Ito ang laman ng unang fortune cookie:

What you seek, you will find.
Keep focused on God and you'll clearly
see what He wants you to do.

Eto naman yung second:

Embrace change as a way of life
and adapt to these in order to succeed in life.

Ganda, diba?  

O siya. iihi muna ako.

Saturday, January 21, 2012

Iiyak Ka Ba Pag Namatay Ako?

Isa sa pinakamalapit kong kaibigan ay si Vincent.  Ang tawag ko sa kanya hanggang ngayon ay Binsin, o Sin.  Magpinsan kami na hindi.  Kaya kami naging magpinsan, dahil ang tatay niya at tatay ko ay magpinsang-buo na hindi rin.  Kung paano kami hindi magpinsan ay dahil adopted ang lolo niya, na panganay sa mga lolo namin.  Nakatira kami noon sa iisang compound na kung saan ang mga nakatira ay puro magkakamag-anak.  Yung bahay nila ang una, ang sa amin ang pang-apat.  Hindi ko alam kung paano kami naging mag-close sa lahat ng magpipinsan.  Basta na lang nangyari.  Ngayon ay pamilyado na si Binsin.

Noong mga 15 o 16 pa lang kami, palagi siyang naiiwang mag-isa sa bahay.  Isang araw ay tumawag siya sa akin sa telepono at sinabi niyang napakataas ng lagnat niya, at natatakot siya dahil parang mamamatay na raw siya.  Pinuntahan ko siya at napakataas nga ng lagnat niya.  Binigyan ko siya ng gamot noon, pinunasan, at sinamahan ko, dahil takot nga daw siyang mamatay.

Nang medyo napayapa na siya at nawala na ang takot niya, bigla akong tinanong.

"Iiyak ka ba pag namatay ako?"

"Siyempre.  E, ako ba pag namatay ako, iiyak ka?" tanong ko rin.

"Ewan ko."

"Bakit ewan mo?"

"E, hindi pa naman nangyayari, e.  Malalaman ko lang pag nangyari na."

Friday, January 20, 2012

Best Friend

Sino ba ang nag-imbento ng talatang "best friend?"  Kung sa Tagalog ay "matalik na kaibigan."  Sigurado ako, sa pagbasa mo ng mga talatang iyan ay sumagi sa isip mo ang mga taong itinuturing mong mga best friends mo.  Bakit mo sila best friends?  Dahil lagi mong kasama sa gimik?  Dahil kaututang dila mo?  Dahil nauutangan mo?  Dahil kalaro mo sa Dota?  Dahil kakopyahan mo?

Noong kabataan ko, ginagamit ko pa ang salitang "best friend."  Pero habang lumilipas ang panahon, naglalaho na rin ang paggamit ko ng mga salitang iyon, siguro ay dahil kapag ginamit ko iyon ay parang inilalagay ko sa kahon ang relasyon namin ng mga pinakamalapit kong kaibigan.  Na dapat ay ganito at dapat ay ganoon at kung hindi ganito at hindi ganoon ay hindi ko na siya "best friend."

Hindi ko tinatawag ng "best friend" ang mga best friends ko.  Yung mga hindi ko ka-close, ang tawag ko ay kakilala o kasama sa school, kasama sa work, kasama sa gimik, etc.

Ang tawag ko sa best friends ko ay kaibigan.

Kaibigan, dahil may laya siya.  At ako.

Malaya akong magsalita kapag siya ang kausap ko.  Pwede kong sabihin ang lahat ng gusto kong sabihin.  Nasasabi ko ang aking mga insecurities.  Nasasabi ko ang aking fears.  Nasasabi ko ang aking mga galit.  At hindi ako huhusgahan.  Ang sasabihin niya lang ay, "Gago ka talaga," at iyon ay hindi para laitin o maliitin ako, kundi para sabihing "kahit na ganyan ka, kaibigan pa rin kita."

Malaya akong magbago.  Ng pananaw, ng ugali, ng estado sa buhay, ng mga panuntunin at mga prinsipiyo.
Malaya akong isiwalat ang tunay kong pagkatao.  Malaya akong maging mabuti o masama.  May laya akong mawala ng matagal...at magpakita ulit.

Maraming kakilala ang dumaan sa buhay ko, pero sino ang mga itinuturing kong mga kaibigan?  Sila yung kahit na matagal na panahon kaming hindi magkita, at nung magkita kami ay nagbago na siya, at nagbago na ako, at hindi na kami yung unang nakilala ng isa't isa, pero nandoon pa rin ang pagtanggap at pagrespeto at ang pakiramdam na kahit na naging sino o ano ka pa, ikaw pa rin ang kaibigan ko.

Wednesday, January 18, 2012

Kung Bakit "Soltero" ang Title Ko

"Soltero" is a Spanish word meaning single; bachelor; an unmarried man.  Sa Tagalog, binata.

Dito sa ating bansa, kung ikaw ay isang middle-aged man or woman and you're still single, siguradong narinig mo na ang tanong na ito: 

Bakit 'di ka pa nag-aasawa?  
Sino ang mag-aalaga sa iyo pagtanda mo?

Maraming beses ko nang narinig at sinagot ang mga tanong na iyan. 

Saan ba nakasulat na pagdating mo ng certain age ay kailangan mo'ng mag-asawa?  At kung mag-aasawa ka at mag-aanak para lang may mag-alaga sa iyo sa pagtanda mo, kawawa naman sila.  Mas mabuti pang kumuha ka na lang ng caregiver.  Hindi porke't ganito ang aking edad at single ako ay may mali sa akin.

Some people think single people have miserable and lonely lives because that is how they see their lives if they do not marry.  But that is not true to all persons.  Some can be mature and single and still be content and happy.  Di ba, marami nga ang married, pero miserable naman ang buhay nila?

Lagi kong sinasabi, kung ikaw ay single at nagkaka-idad na, at hindi ka mapakali o di ka mapayapa dahil takot kang tumandang mag-isa o baka mapag-iwanan ka, mag-asawa ka.  I have nothing against marriage.  In fact, I am pro-marriage.  Pero kung ikaw ay single at content ka naman, huwag kang padadala sa pressure galing sa iba na mag-asawa ka kung mali rin lang ang mga rason mo sa pag-aasawa.

Maraming dahilan kung bakit ang isang tao ay nagkaidad na single pa rin.  Pero hindi ibig sabihin na lahat ay malungkot, miserable, o bugnutin.  Meron ding masaya, kuntento, at may kapayapaan.

Katulad mo rin sila.  Maraming pinagdaanan.  Maraming kwento.  Marunong tumawa.  Marunong umiyak.  Marunong magmahal.  Marunong magalit.  Marunong matuwa.  Marunong malungkot.  Marunong mabuhay.  Normal.

Ako po ay isang soltero.  Ito po ang aking kwento.